Mga opisyal ng PhilHealth, haharap naman sa pagdinig ng Kamara hinggil sa isyu ng korapsyon

Matapos maungkat sa pagdinig ng Senado kahapon ang malawakang korapsyon, haharap naman ngayong araw ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa Kamara para sa gagawing hiwalay na pagdinig.

Inaasahang dadaluhan ni PhilHealth President Ricardo Morales at iba pang opisyal ang pagdinig ng House Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Anakalusugan Representative Michael Defensor.

Ayon kay Quezon City Representative Alfred Vargas, Vice Chairperson ng komite, nais nilang magpaliwanag ang PhilHealth sa mga alegasyon ng korapsyon kasunod ng pagbibitiw ni Anti-Fraud Officer na si Thorrson Montes Keith.


Ikinagulat ng mga mambabatas ang mga rebelasyong naungkat sa Senado kung saan wala nang pondong matitira sa PhilHealth sa susunod na taon.

Giit ni Vargas, mahalagang mayroong long-term fiscal management plan ang PhilHealth.

May pananagutan ang PhilHealth sa bawat sentimo na kanilang natatanggap mula sa pamahalaan at sa publiko.

Sinabi ni Defensor na dapat maipaliwanag ni Keith ang mga korapsyong nangyari sa PhilHealth at sinu-sino ang mga opisyal at tauhang dawit dito.

Sa pagdinig ng Senado, ibinunyag ni Morales na aabot sa 10 bilyong piso ang nawala sa PhilHealth na napunta sa mga maanomalyang transaksyon.

Mareresolba aniya ito sa pamamagitan ng matibay na information management system.

Facebook Comments