Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na daraan sa masusing screening ang lahat ng mga full pledge colonel at heneral na magsusumite ng courtesy resignation.
Ito’y matapos ang kanyang panawagan sa mga ito na magbitiw sa pwesto makaraang mapag-alaman na may mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na dawit sa iligal na droga.
Ayon kay Abalos, may komite na mangangasiwa sa pagtanggap ng courtesy resignation na binubuo ng limang indibidwal upang matiyak na hindi ito mapopolitika.
Aniya, mismong si PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang nagrekomenda ng naturang hakbang makaraang lumabas sa ilang buwan nilang imbestigasyon na may mga pulis na sangkot sa iligal na droga.
Paliwanag ni Abalos, ang courtesy resignation ng mga opisyal ng PNP ay para magkaroon ng “fresh start” sa kanilang organisyon.