Mga opisyal ng PNP na sangkot sa ₱6.7 billion shabu haul, pinatatanggal sa pwesto at pinasasampahan ng kaso ng ilang senador

Pinatatanggal sa pwesto at pinasasampahan na ng kaso ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sabit sa nakumpiskang ₱6.7 billion na shabu sa Maynila noong nakaraang taon.

Ito ang mungkahi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa matapos na ilabas ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang pangalan ng mga police official na sangkot sa multi-bilyong pisong drug haul sabay himok sa mga ito na mag-leave sa trabaho habang iniimbestigahan.

Giit ni Dela Rosa, hindi na dapat manatili ang mga ito sa kanilang posisyon at dapat nang matanggal sa pwesto para hindi makaimpluwensya sa kahihinatnan ng imbestigasyon.


Hirit pa ng senador, kung mayroon na ring sapat na ebidensya ay sampahan na ng kaso para hindi na pamarisan ng ibang police officer.

Matatandaang ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Dela Rosa ang nagkasa ng pagsisiyasat tungkol sa mga drogang nakumpiska na ginagawang reward ng ilang pulis sa kanilang mga assets.

Facebook Comments