Mga opisyal ng Prime Water, dapat managot sa reklamo kahit may bagong may-ari na — Malacañang

Nanindigan ang Malacañang na dapat pa ring panagutin ang mga opisyal at dating pamunuan ng Prime Water kaugnay ng mga reklamong kapalpakan sa serbisyo at umano’y mataas na singil sa tubig, kahit na naibenta na ang kumpanya sa bagong may-ari.

Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, hindi dapat makaligtas sa pananagutan ang mga responsable sa mga pagkukulang ng kumpanya bilang pagbibigay-hustisya sa mga apektadong consumer.

Gayunman, nilinaw ng Malacañang na ang magiging pananagutan ng mga opisyal ay nakabatay pa rin sa resulta ng imbestigasyon at sa mga ulat at dokumentong isusumite ng Local Water Utilities Administration o LWUA, na magsisilbing batayan kung may sapat na ebidensiya laban sa kumpanya.

Kasabay nito, inaasahang maglalabas ang LWUA ng isang memorandum circular ngayong buwan upang matiyak na hindi mapuputulan ng serbisyo ang mga concessionaire at hindi masingil ang mga consumer sa panahong wala silang natatanggap na suplay ng tubig.

Matatandaang inanunsyo ng Villar Group nitong Martes na ang Crystal Bridges Holding Corp. ng negosyanteng si Lucio Co ang bagong may-ari ng Prime Water matapos lagdaan ang isang acquisition agreement.

Facebook Comments