Mga opisyal ng simbahan na tatakbo para sa BSKE, pinagbibitiw muna ng CBCP

Pinagbibitiw ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ang mga opisyal ng simbahan sa kanilang mga pwesto, na maghahain ng kanilang kandidatura para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Malolos Bishop Dennis Villarojo, kailangang magsumite ng kanilang resignation ang sinumang may tungkulin sa simbahan kung hindi talaga nila maiwasan na pumasok sa politika.

Hindi aniya pwedeng pagsabayin ang tungkulin sa simbahan at barangay lalo pa’t non-partisan ito.


Pero paglilinaw ni Villarojo, kung hindi raw sila magsusumite ng resignation ay ituturing pa rin sila ng simbahan na mga nagbitiw sa tungkulin sa araw na sila ay magsumite ng Certificate of Candidacy.

Sakali namang matalo sa halalan, pwede naman daw silang makabalik sa kanilang mga tungkulin pero ito ay kailangan munang aprubahan ng isang parish priest.

Samantala, ipinagbabawal din ng CBCP na gamitin ang kanilang mga pasilidad sa anumang rally, meeting de advance, o anumang pagpupulong na may kinalaman sa halalan.

Facebook Comments