Mga opisyal ng SRA na nagbitiw sa pwesto, hindi pa abswelto -Senado

Tiniyak ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na tuloy pa rin ang imbestigasyon kaugnay sa iligal na importasyon ng asukal sa bansa.

Ito’y kahit pa nagbitiw na sa pwesto ngayong araw ang administrator ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na si Hermenegildo Serafica.

Para kay Senate President Juan Miguel Zubiri, welcome naman ang kusang pagbibitiw sa pwesto ng SRA administrator at ng iba pang signatories ng iligal na Sugar Order No. 4.


Subalit, sinabi ng senador na kahit nagbitiw na ang mga ito sa pwesto ay hindi pa rin sila lusot sa pananagutan sa paglagda sa iligal na sugar importation order at sa ikakasang imbestigasyon ng Senado.

Hindi aniya maliligtas ang mga opisyal sa ginawang resignation sa posibilidad na maharap ang mga ito sa paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act at Anti-smuggling Act.

Una nang nag-privilege speech si Zubiri para hingiin ang resignation ng mga opisyal ng SRA na sabit sa nasabing sugar order at nanawagan din sa Senate Blue Ribbon Committee para silipin ang binalak na importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal gayong may halos 127,000 metrikong tonelada ng asukal na nakatambak lang sa mga bodega.

Facebook Comments