Nagharap na sa kauna-unahang pagkakataon sina Defense Sec. Delfin Lorenzana at UP President Atty. Danilo Concepcion tatlong linggo matapos ibasura ang UP-DND Accord.
Ang Commission on Higher Education (CHED) ang nag-organisa at nagsilbing middle man ng paghaharap nina Lorenzana at Concepcion.
Kasama ng Department of National Defense (DND) Secretary ang ilang opisyal ng kagawaran at Heneral ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas habang si Dr. Elena Pernia ng University of the Philippines (UP) Diliman Vice President for Public Affairs ang kasama ni Concepcion.
Pinasalamatan ni CHED Chairman Prospero de Vera III ang UP at DND sa pagpapaunlak nila na magkaroon ng dialogue para pag-usapan ang naganap na pagbasura sa UP-DND Agreement.
Sabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, mananatili ang desisyon ng gobyerno na ipawalang bisa ang UP-DND Accord upang protektahan ang mga estudyante na nag-aaral sa UP na umano’y target ng recruitment ng CPP-NPA.
Sa panig naman ng UP, kaisa sila ng pamahalaan sa mga hakbang nito para protektahan din ang mga mag-aaral at academic freedom.
Kapwa nagkasundo ang UP at DND na muling magharap para talakayin ang iba pang usapin na siyang magbibigay proteksyon sa mga estudyante.