Mga opsiyal at kawani ng DPWH na handang tumestigo, dapat tiyaking maisasailalim ng DOJ sa Witness Protection Program

Iginiit ni Bacolod City Representative Albee Benitez sa Department of Justice (DOJ) na isailalim sa Witness Protection Program ang mga opisyal at empleyado ng Department of Public Works and Highways o DPWH at iba pang indibidwal na nais tumestigo laban sa maanumalyang flood control projects.

Katwiran ni Benitez, pagkakataon ito para maisiwalat nila ang katotohanan at makabuo ng matitibay na kaso para mapanagot ang mga nagbulsa ng pera ng taumbayan na nakalaan sa mga proyektong tutugon sa pagbaha.

Diin ni Benitez, hindi rin dapat maghintay ang DOJ sa paglapit ng mga whistleblower at sa halip ay dapat na itong kumilos para litisin, mahatulan at ipakulong ang mga sangkot sa pandarambong ng pondo ng bayan na layuning maproteksyunan ang buhay ng mamamayan laban sa pagbaha.

Ayon kay Benitez, hindi madali ang paghahatid ng hustisya laban sa mga tiwali na naghatid ng peligro sa publiko pero hindi ito dapat palampasin bilang bahagi ng pagtataguyod ng mga proyekto pang-imprastraktura na hindi mahahaluan ng korapsyon at pansariling interes.

Facebook Comments