Ibinida ng pamunuan ng Department of Agrarian Reform o DAR ang anim na Agrarian Reform Beneficiaries’ Organizations o ARBOs sa lalawigan ng Sultan Kudarat ang nakatanggap ng may kabuuang 300 sako ng vermicompost at 130 galon ng organic foliar fertilizer mula sa DAR upang palakasin ang kanilang produksyon sa agrikultura at isulong ang isang malusog na paraan ng paggawa ng mga pagkain na hindi nakakaapekto sa kalikasan.
Ayon kay DAR Secretary Conrado Estrella III, ang mga farm input na may kabuuang halaga na mahigit ₱247,000.00, ay ipinagkaloob sa mga ARBO alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa kanya upang tumulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka.
Dagdag pa ng kalihim na ang mga sumusunod na ARBO ay nakatanggap ng tig-22 galon ng organic foliar fertilizer at tig-50 sako ng organic vermicompost: ang Agrarian Reform Farmers Association sa Tacurong City; ang Silang Agrarian Reform Beneficiaries Association sa Bagumbayan; ang Palimbang Entrepreneurs Agrarian Reform Beneficiaries’ Organization sa Palimbang; at ang Sitio Lagon Farmers’ Multi-Purpose Cooperative sa Pangulong Quirino.
Ang Kangkong Farmers Association at Tagumpay Vegetable Growers Association ay tumanggap naman ng tig-21 galon at tig-50 sako ng organic fertilizer.
Nagpahayag si Hernane Fermo, Presidente ng Agrarian Reform Farmers Association, ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa DAR sa patuloy na pagtulong nito sa mga ARBO.
Ang mga agri-input ay naipagkaloob sa ilalim ng Sustainable and Resilient Agrarian Reform Communities o ARCs ng DAR na naglalayong isulong ang produksyon ng gulay upang labanan ang epekto ng climate change sa lalawigan.