Sasampahan ng reklamo ng Central Visayas Police ang mga organizer ng isang prusisyon sa Barangay Basak San Nicolas, Cebu City.
Nabatid na ipinagbabawal ang anumang mass gatherings sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Police Regional Office 7 (PRO-7) Director, Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro, ang nasabing barangay ay kabilang sa mga lugar na inilagay sa mahigpit na lockdown matapos matukoy bilang COVID-19 hotspot sa lungsod.
Ang religious gathering ay nangyari sa Sitio Alumnos nitong Sabado ng gabi kasabay ng pagdiriwang ng Kapistahan ng San Juan de Bautista, at Sto. Niño.
Sinabi naman ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na ipinag-utos na ng City Legal Office ang mga opisyal ng barangay na magpaliwanag sa ginawang paglabag sa loob ng 24-oras.
Naglabas na rin ng show cause order kay Barangay Captain Norman Navarro at mga miyembro ng Sangguniang Pambarangay.
Pero mariing itinanggi ng kapitan ng barangay na may alam siya sa nasabing religious gathering.
Ang nasabing barangay ay nakapagtala na ng 90 kaso ng COVID-19.