Kinalampag ni Committee on Health Chairman Senator JV Ejercito, ang Bureau of Fire Protection o BFP para siguraduhing sapat ang suplay ng tubig sa mga ospital.
Apela ni Ejercito sa BFP, bigyan ng ekstrang atensiyon ang mga ospital para sa rasyon ng tubig habang tinutugunan din ang pangangailangan ng mga residente na apektado ng paghina o kawalan ng suplay ng tubig.
Ayon kay Ejercito, dapat makipagtulungan ang BFP sa city at municipal government para ma-monitor ang suplay ng tubig sa mga ospital at iba pang health facilities.
Kaugnay sa nararanasang water crisis ay tinawag naman ni dating Senate President Juan Ponce Enrile pansin ng National Water Resources Board o NWRB.
Giit ni Enrile sa NWRB, paigtingin ang paghahanap ng karagdagang suplay ng tubig para sa mga residente ng Metro Manila at kalapit na mga lugar na apektado ng water crisis.
Ikinatwiran ni Enrile na ngayong ramdam na ramdam na ang El Niño at posibleng mga epekto ng climate change ay hindi na dapat tayo umaasa sa iisang suplay ng tubig lamang.