Hinikayat ni Treatment Czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega ang mga ospital na suspendihin muna ang elective at surgical admissions para mabigyang-prayoridad ang mga pasyenteng may COVID-19.
Ayon kay Vega, nasa 60% na ng mga COVID-19 ward at isolation beds ang ginagamit habang okupado na rin ang 73% hanggang 76% ng mga Intensive Care Units (ICU).
Dahil mas mabilis ang transmission ng virus, ipinagbabawal muna ang home quarantine kaya mahalagang madala sa isolation facilities ang mga mild at asymptomatic patients habang sa dapat na i-admit sa ospital ang mga may moderate at severe cases ng COVID-19.
Kaugnay nito, nagtatayo na aniya ang gobyerno ng mas maraming isolation at temporary treatment facilities partikular sa Central Luzon, Calabarzon at MIMAROPA.
Noong nakaraang taon, matatandaang dito dinala ang ilang mga COVID-19 patients nang maabot ng mga ospital sa Metro Manila ang kanilang full capacity.
Samantala, batay sa projection ng OCTA Research Group, posibleng maabot ng mga ospital sa Metro Manila ang full capacity nito sa Holy Week kung mabibigo ang gobyerno na mapabagal ang pagkalat ng virus.
Maaari ding pumalo sa 10,000 na bagong kaso kada araw ang maitala pagsapit ng katapusan ng Marso.