Iginiit ni PhilHealth President and Chief Executive Officer Ricardo Morales na hindi nila nagawang suspendihin ang ilang ospital at klinika na napatunayang dawit sa pangloloko o fraud sa kanilang medical insurance claims dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng House Committee on Accounts sa mga anomalya sa PhilHealth, sinabi ni Anakalusugan Representative Michael Defensor na ang case rate system ang posibleng pinag-uugatan ng korapsyon sa ahensya.
Ayon kay Morales, pabor siya sa mungkahi ni Defensor na buwagin ang case rate system sa pagbibigay ng medical benefits sa mga miyembro ng PhilHealth.
Mareresolba aniya ang ilang kaso sa pamamagitan ng rekomendasyong suspendihin ang ilang ospital at medical clinics pero hindi maipatupad ang penalties dahil sa pandemya.
Hindi naman kumbinsido si Marikina City Representative Stella Luz Quimbo na kinakapos na ng pondo ang PhilHealth para sila ay magpatuloy ng kanilang operasyon sa susunod na taon.
Maging si Commission on Audit Director Clotilde Tuazon ay duda sa pahayag ng state insurance agency.
Aminado si Morales na maraming iregularidad sa ahensya ang kanilang nadiskubre kabilang ang “up casing” o false claim tungkol sa sakit, misrepresentation ng confinement period at claims para sa mga magulang na pumanaw na.
Ang “up casing” ay nagagawa kapag nagsabwatan na ang claimants at ang PhilHealth personnel.
Mayroong nasa 20,000 kaso ang kanilang iniimbestigahan, kabilang ang 8,000 kaso ng suspected fraud na naiulat sa kanilang Central Office habang ang nalalabi ay mula sa kanilang regional offices.