Mga ospital na sumunod sa bed allocation para sa COVID-19 patients, maliit na porsyento lamang ayon sa DOH

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na maliit na porsyento lamang ng mga ospital ang nakatugon para sa bed capacity allocation sa kabila ng kanilang hiling na taasan ito para sa COVID-19 patients.

Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, walong porsyento lamang ng mga pribadong hospital at 16 o 17% ng pampublikong hospital ang sumunod sa direktiba ng DOH para sa paglalaan ng COVID-19 bed allocation.

Sa pribadong ospital kasi ay dapat mayroong 20% bed capacity habang 30% naman sa mga pampublikong ospital.


Giit ni Vega, nakikipag-ugnayan na sila sa mga hospital director kung paano matutugunan ang nasabing problema lalo na’t hindi madali na i-convert ang mga ward papuntang COVID ward.

Paliwanag pa ni Vega, ang mga ospital ay kailangang i-retrofit ang pasilidad para masiguro ang kaligtasan ng health care workers sa pamamagitan ng paglalagay ng infection control measures.

Kailangan din ng mga hospital ng maayos na ventilation para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Higit sa lahat, kailangan pa ng maraming health care workers dahil dalawang linggong kailangan na magpalitan ang mga naka-deploy sa COVID wards.

Facebook Comments