Isasailalim sa Code White Alert ng Department of Health (DOH) ang lahat ng ospital sa Metro Manila simula bukas, January 5.
Ito ay bilang paghahanda sa taunang Traslacion o Kapistahan ng Itim na Nazareno na tatagal hanggang January 11, 2024.
Ang Code White Alert ay idinedeklara tuwing may national events, holidays at mga pagdiriwang na may posibilidad na magkaroon ng malaking bilang ng masasaktan, o emergencies.
Sa panahong ito, ang mga tukoy na medical personnel at staff ay ilalagay on-standby para agad tumanggap at gumamot sa mga darating na pasyente.
Kaugnay nito, ipakakalat din ng DOH ang walong emergency response teams na may kaniya-kaniyang ambulansiya sa ruta ng Traslasyon.
Ito ay para magkaloob ng pang-emergency na serbisyong medikal sa libu-libong deboto na inaasahang makikibahagi sa aktibidad.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Quirino Grandstand, Roxas Boulevard kanto ng Ayala sa National Museum of Fine Arts, Ayala Roxas Boulevard kanto ng Taft Avenue, Ayala Roxas Boulevard kanto ng San Marcelino, San Sebastian Church, Quezon Roxas Boulevard, Quinta Market at Paterno, Quezon Roxas Boulevard.