Nasa “critical level” na rin ng pagtanggap sa mga pasyenteng may COVID-19 ang East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City.
Ayon kay EAMC Spokesperson Dr. Dennis Ordoña, okupado na ang 90% ng kanilang COVID-19 beds.
Kaugnay nito, ginagamit na rin ang ibang wards ng ospital para sa mga pasyenteng may COVID-19 pero inaasahang mapupuno rin ito sa loob lang ng isang linggo.
Nangangamba naman ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa pagtuloy na pagdagsa ng mga tinatanggap nilang COVID-19 patients.
Ayon kay NKTI Executive Director Dr. Rose Marie Rosete-Liquete, dahil sa dami ng mga pasyente, posibleng makompromiso rin ang kalusugan ng mga health worker.
Samantala, isang linggong lockdown ang Caloocan City Medical Center (CCMC)-South makaraang magpositibo sa virus ang ilan sa mga nurse at medtech nito.
Naka-quarantine na ang mga medical staff ng ospital habang nagpapatuloy ang contact tracing.
Naabot na rin ng CCMC ang “overflowing capacity” para sa COVID-19 patients.