Mga ospital sa NCR, posibleng masagad dahil sa surge ng COVID-19 cases – OCTA Research Group

Pinangangambahan ng OCTA Research Team na posibleng ma-overwhelm o mapuno ang bed capacity ng mga ospital sa Metro Manila kung patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Professor Butch Ong, kahit itinaas ang kapasidad ng mga ospital at health facilities, maaaring ma-overwhelm ang mga ito dahil sa pag-usbong ng dalawang bagong variants ng COVID-19 partikular ang UK at South African variant.

Ang reproduction number sa Metro Manila ay nasa 1.66, malapit sa reproduction number nito noong Agosto 2020, kung saan humiling na ang mga medical workers ng dalawang linggong “time-out.”


Ang mga siyudad ng Pasay, Makati at Malabon at Navotas ay itinuturing na high-risk areas.

Nananatili ring mataas ang COVID-19 cases sa Quezon City, Makati, Pasig, Navotas at Pasay.

Hindi rin inaalis ni Prof. Ong ang posibilidad na mas mataas na ang kaso ng bagong variants kaysa sa mga naitatala ngayon.

Binanggit din ni Ong na nagkakaroon ng family clustering o local transmission sa komunidad.

Inirerekomenda na ng OCTA Research Team sa pamahalaan na magpatupad ng epektibong border control.

Facebook Comments