Muling nagpaalala ang Pasay Police sa mga pasahero na huwag na huwag magbibitiw ng bomb joke, saan mang lugar.
Ito ay makaraang maaresto ng mga otoridad ang isang babaeng pasahero dahil sa biro tungkol sa bomba habang papasok ng LRT-line 1 Baclaran Station kahapon (June 05).
Kinilala ni Pasay Police Chief Police Col. Bernard Yang ang babae na si Maribeth Florentino, 23-anyos at taga-Sta. Quiteria Caloocan City.
Dahil sa bomb joke, ininspeksyon ng gwardya ng LRT-1 ang bag ni Florentino upang makita kung may dala siyang bomba.
Bagama’t walang narekober na bomba sa bag nito, hinuli pa rin si Florentino at nai-turnover sa Baclaran Police Community Precinct.
Bilin ni Yang, labag sa batas ang bomb joke kaya iwasan magbitiw ng ganitong biro, sa railway system man, mga paliparan o terminals.