Pinakikilos ni Committee on National Defense and Security Vice Chairman at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang mga Law Enforcers na tugisin ang mga scammer sa gitna ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19.
Ito ay kasunod na rin ng ulat ng Federal Trade Commission (FTC) ng Estados Unidos kung saan laganap ngayon ang scam ng mga magkukunwaring magandang loob na indibidwal, online sellers o platform na nagaalok ng delivery service ng groceries, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan at pagkatapos ay itatakas lamang pala ang pera at wala ang mga produktong ipinabibili.
Giit ni Biazon, dapat na maging maagap at magmonitor ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga ganitong uri ng scam sa bansa na nananamantala sa limitadong kilos at access ng publiko sa basic necessities.
Sinabi ng mambabatas na dapat bantayan ng mga otoridad ang posibleng scam sa gitna ng krisis sa COVID-19 tulad ng pagsasamantala sa kagustuhan ng mga tao na makabili ng mga protective equipment, medical supplies at iba pang pangangailangan.
Pinaiigting din ng Kongresista ang mga otoridad sa paglaban sa mga hoarders, price manipulators at iba pang mga indibidwal o establishments na magaalok ng sobrang taas na presyo ng produkto.
Batay sa FTC, karaniwang nabibiktima ngayon ng mga scammers sa kabila ng Coronavirus ang mga matatanda at madalas nagpapadeliver online.