Umapela ang Kabataan Party-list sa Department of Education (DepEd) na paglaanan ng budget ang rehabilitasyon ng mga paaralang nasira ng lindol.
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro sa pagbubukas ng klase na nakatakda ngayong Nobyembre.
Giit ni Manuel, bukod sa pagsasaayos ng mga pasilidad para maihanda ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan, mahalaga ring magarantiyahan ng DepEd na ang mga gusali at mga eskwelahan na tinamaan ng lindol ay agad na maire-rehabilitate.
Hindi aniya dapat ito ipapasan sa mga guro at mga magulang dahil ang ilang paghahanda para sa ‘full face-to-face classes’ ay sinalo na ng mga ito.
Hirit pa ni Manuel na dapat mas mag-focus ang pamahalaan sa pagpopondo ng rehabilitasyon ng mga paaralang sinira ng lindol sa halip na ang atupagin ay ang pagbabalik ng mandatory ROTC.
Sa pinakahuling tala, aabot sa 35 na mga paaralan ang nagtamo ng sira matapos ang magnitude 7 na lindol at aabot sa P228.5 million ang kakailanganing pondo para sa reconstruction at rehabilitation ng mga nasirang pasilidad.