Manila, Philippines – Hiniling ni House Appropriations Committee Chairman at Davao Rep Karlo Nograles na unahin ang pagtatayo ng mga paaralan sa gagawing rehabilitasyon sa Marawi City.
Ayon kay Nograles, dapat unahin ang mga kabataan na tulungang makabangon at makalimot sa bangungot na dinanas dahil sa bakbakan.
Kung paaralan ang unang itatayo ay makatutulong ito para mabawasan ang trauma na dinanas ng mga kabataan kung agad na makakabalik sa mga eskwelahan.
Bukod dito ay malaking tulong ito hindi lamang sa mga kabataan kundi sa mga guro at mga magulang na ngayon ay pilit na ibinabalik sa normal ang kanilang buhay.
Sa nakalipas na pagdinig ng Committee on Muslim Affairs nabatid na may 18 sa 69 paaralan sa Marawi City ang lubhang nasira at 10 iba pa ang halos hindi na mapakikinabangan dahil sa pambobomba.