Uminit ang pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senator Raffy Tulfo nang magkabanggaan ang mga pabor at tutol sa consolidation ng mga prangkisa ng mga jeepneys sa ginanap na pagdinig para sa PUV Modernization Program.
Sa pagdinig ng Senado ay sinabi rito ng Chairman ng Manibela na si Mar Valbuena ang kanilang mariing na pagtutol sa pagbawi sa prangkisa ng mga maliliit na jeepney drivers at operators.
Apela ni Valbuena sa komite na tulungan sila na alisin ang deadline at palawigin pa ang consolidation ng prangkisa ng mga PUVs subalit kung matatandaan ay naging matigas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hanggang noong April 30 lang ang deadline para sa mga public transport operators at drivers.
Ipinunto naman ni BUSINA President Marlyn Ramos na bakit maaapektuhan ang lahat ng operators at drivers ng bansa sa iisang tao lang na gusto nanamang i-extend ang consolidation gayong wala naman aniya itong balak na sumali sa programa at paano naman sila na sumunod sa utos ng gobyerno.
Iginiit naman dito ni ALTODAP President Melencio “Boy” Vargas na 80% na ng mga operators at drivers sa buong bansa ang pumabor sa kagandahan ng modernization at sumunod sa consolidation ng mga prangkisa at kung sakali ay madidismaya lamang silang mga tumugon kung magkakaroon pa ng panibagong extension dito.