Mga pag-iingat na dapat gawin ng mga lalahok sa Traslacion, inilatag

Manila, Philippines – Muling pinaalalahanan ng mga organizer ng Traslacion 2019 ang lahat ng kalahok sa gaganaping prusisyon mula sa Quirino Grandstand hanggang sa makabalik ang Black Nazarene sa Minor Basilica sa Quiapo, Maynila.

Alas otso ngayong bisperas ng pista ay simula na ng selebrasyon sa Quirino Grandstand kung saan papayagan ang libu-libong deboto na makalapit, mahawakan at mahalikan o mas kilala bilang “Pahalik’ sa imahe ng Black Nazarene.

Paalala ng mga organizer sa mga deboto dapat ihanda ang sarili sa banal na gawain, makiisa sa panalangin, igalang ang misa hanggang sa matapos, huwag ikalat ang basura sa Quirino Grandstand o alinmang lugar, magdamit lamang ng naaayon sa okasyon para sa pagdiriwang sa simbahan.


May paalala rin sa mga mamamasan, igalang ang altar sa Luneta at sa simbahan, pairalin ang kahinahunan at pagpapakumbaba, igalang ang kapwa mamamasan, huwag magsuot ng matatalas na bagay, kabisaduhin ang panuntunan sa mga mamamasan, huwag iinom ng alak bago sumama sa prusisyon, huwag umakyat sa altar sa Luneta o sa altar sa simbahan.

Ang mga volunteer naman ay hinihikayat na maging mahinahon at habaan ang pasensiya sa pakikitungo sa mga deboto, tuparin ang kanilang tungkulin ng buong pagpapakumbaba.

Bagaman bawal na ang mga vendor sa kabuuan ng Rizal Park at mga daraanan ng ruta ng andas ng Black Nazarene hanggang sa paligid ng Quiapo, paalala ng mga Organizer, huwag magkakalat ng mga basura.

Facebook Comments