Mga pagbabago sa DepEd, ipinagmalaki ni Education Sec. Angara sa kanyang halos 100 araw na panunungkulan

Ipinagmalaki ni Education Secretary Sonny Angara ang mga pagbabagong kanyang naipatupad sa kagawaran, halos 100 araw matapos manungkulan sa Department of Education (DepEd).

Sa kanyang mensahe sa European Chamber of Commerce of the Philippines, ibinida ni Secretary Angara na sinisikap nilang sundin ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibigay ang basic services sa mga estudyante.

Paliwanag pa ng Kalihim na sa ngayon ay mas flexible na ang curriculum at nama-maximize ang learning time ng mga mag-aaral.


Maliban dito, nakalikha na rin aniya ng Programme for International Student Assessment (PISA) Task Force para maihanda ang mga estudyante sa international assessment.

Giit pa ni Angara, dinagdagan nila ang benepisyo ng mga guro kung saan kasama na rito ang pagdagdag ng service credits at dagdag na mga leave.

Samantala, pinag-aaralan na rin ng kagawaran ang teacher development plan para sa career promotion and progression ng mga guro.

Sa kabila ng lahat ng ito, sinabi ni Angara na ang DepEd ay nangangailangan pa rin ng kaagapay gaya ng private sector para matiyak na ang programa para sa basic education ay maipagpapatuloy.

Facebook Comments