Bago pa man sumapit ang pagtatapos ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila, pinulong na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang transport sectors at lahat ng district directors para maging handa sakaling alisin na ang ipinatutupad na ban sa mga transportasyon.
Kasunod niyan, ayon kay NCRPO Regional Director Police Major General Debold Sinas ay magde-deploy siya ng 100 Mobile Force Battalion Personnel sa LRT at MRT upang matiyak na masusunod ang social distancing protocol sa bawat istasyon ng mga tren.
Bukod dito, maglalagay din sila ng Philippine National Police (PNP) Desks sa mga terminal ng bus at pampasaherong jeep para asistihan ang mga commuters at terminal management.
Samantala, humiling naman ang NCRPO ng kooperasyon ng publiko upang masunod ang mga ipinatutupad na health protocols at guidelines para na rin sa kaligtasan ng mga bumibiyahe.