
Inilatag ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Alaminos ang mga paghahanda para sa Gawad Sandaang Pulo, isang bagong inisyatiba sa ilalim ng Hundred Islands Festival na layong kilalanin ang mga indibidwal, grupo, at sektor na may makabuluhang ambag sa kaunlaran at pagkakakilanlan ng lungsod.
Ang launching ng programa ay isinagawa sa isang flag raising ceremony sa Plaza Marcelo Ochave na pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng mga programang nagbibigay-halaga sa serbisyo at partisipasyon ng mamamayan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, inaasahang magiging taunang pagkilala ang Gawad Sandaang Pulo na sasaklaw sa iba’t ibang larangan tulad ng serbisyo publiko, edukasyon, kultura, turismo, kabuhayan, at iba pang sektor na may malaking ambag sa komunidad.
Kasabay ng aktibidad, inanunsyo rin ng City Civil Registry Office ang mga nakatakdang programa at aktibidad bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 36th Civil Registration Month.
Patuloy naman ang koordinasyon ng iba’t ibang tanggapan ng lungsod upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga aktibidad kaugnay ng Gawad Sandaang Pulo at ng mga programa ng civil registration bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na Hundred Islands Festival. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










