Nalalapit na ang pagsapit ng bagong taon sa ating bansa kung kaya’t abala na naman tayong mga Pilipino sa mga pagkaing ihahanda na siyang pagsasalu-saluhan ng ating pamilya. Simple man o magarbo ang mga pagkaing nasa hapag-kainan, ang mahalaga’y magkakasama-sama ang bawat isang bahagi ng pamilyang Pilipino sa pagsalubong ng bagong taon.
Hindi pahuhuli ang mga putaheng Pinoy tuwing sasapit ang medya noche o paghahanda ng mga pagkain sa hatinggabi na sumisimbolo ng pag-asa sa kasaganahan sa pagsapit ng bagong taon. Narito ang ilan sa mga putaheng Pinoy na tiyak magugustuhan ng inyong pamilya, kaibigan at mahal sa buhay.
Barbeque (BBQ)
Sa kahit ano mang okasyon, hinding-hindi mawawala ang inihaw sa hinahanda ng mga Pinoy. Bukod sa masarap na pagkakamarinado nito, mura pa ang mga rekado.
Macaroni/Fruit Salad
Hindi nawawala bilang panghimagas ang macaroni/fruit salad tuwing handaan. May dalawang klase ng macaroni salad: maasim at matamis. Kung minsan pa ay pinaghahalo ang fruit cocktail at macaroni.
Leche Flan
Hindi maikakaila nating mga Pilipino ang pagkahumaling natin sa mga matatamis na pagkain tulad nitong Leche Flan.
12 Bilog na Prutas
Ang paghahanda ng 12 bilog na prutas tuwing sasapit ang bagong taon ay simbolo sa labindalawang (12) buwan sa kalendaryo na magbibigay ng kasaganahan sa pamilya.
Lechon
Paboritong putahe ng mga Pilipino na inihahanda rin sa ibang okasyon tulad ng pista, birthday atbp.
Article written by Albert Verano Volfango