Mga pagkakamali ng mga pulis sa mga anti-criminality operations, hindi isinasawalang bahala ng PNP ayon kay PNP Chief Eleazar

Hindi binabalewala ng Philippine National Police (PNP) ang mga nagagawang pagkakamali ng kanilang mga tauhan sa pagsasagawa ng anti-criminality operations.

Ito ang tiniyak ni PNP Chief General Guillermo Eleazar matapos ang pagkamatay ng 16-anyos na si Johndy Maglinte sa Laguna nitong nakalipas na isang linggo.

Si Maglinte at ang isa pang drug suspek na si Antonio Dalit na siyang target ng arrest warrant ay napatay matapos umano silang manlaban.


Pero nagsasagawa ngayon ng imbestigasyon ang PNP Internal Affairs Service, ang binuong fact finding task group ng Police Regional Office 4-A at ang Commission on Human Rights kaugnay sa insidente matapos na igiit ng mga pamilya Maglinte at Dalit na pinatay sila ng mga pulis.

Ayon kay Eleazar, anumang alegasyon ng iregularidad sa police operations ay kailangan pa ring maimbestigahan para agad maitama sakaling totoo ang alegasyon.

Sinabi pa ni PNP chief na kapwa magdurusa ang PNP at publiko kung ipagwawalang bahala ang mga operational lapses at hindi agad matutugunan.

Batay sa datos ng PNP, may kabuuang 18,664 na pulis ang mga pinarusahan sa iba’t ibang paglabag mula 2016, sa bilang na ito ay nasa 5,151 ang sinibak na sa serbisyo.

Facebook Comments