Iginiit ni Senator Panfilo Ping Lacson na mahalaga ang tamang data para sa tamang pagdedesisyon kaya hindi dapat nagkakamali ang Department of Health (DOH) o sinumang opisyal lalo na pagdating sa mga impormasyon ukol sa COVID-19 patients.
Umaasa si Lacson na mapapanagot ang nasa likod ng pagkakamaling ito, lalo na kung ito ay sinadya, dahil buhay ng taongbayan ang nakasalalay.
Binanggit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, na nagtagumpay ang kampanya ng gobyrerno laban sa COVID-19 sa South Korea at Taiwan dahil sa tamang data at kredibilidad ng mga nagpapatupad ng patakaran.
Ipinaliwanag ni Drilon, na ang kawalang natin ng aspetong ito ay makakabawas sa tiwala ng mamamayan sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa kakahayahan nating pigilin ang pagkalat ng virus.
Sabi naman ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, ang DOH data errors ay nakakadagdag sa pag-aalala sa hindi sapat na testing at contact tracing capacity ng bansa.
Ikinumpara naman ni Senator Win Gatchalian sa basura ang maling data ng DOH na magdudulot ng basura ding mga desisyon ng gobyerno.
Mungkahi ni Gatchalian, gamitin ang itinatakda ng Bayanihan Act na pagkuha ng magagaling sa teknolohiya, automate data collection, data processing at data analysis dahil kung magpapatuloy ang mga pagkakamali ay baka may masakripisyo pang buhay.
Hinikayat naman ni Senator Ronald Bato Dela Rosa ang DOH at UP COVID-19 pandemic response team na mag-usap upang masolusyunan ang mga pagkakamaling ito.
Katwiran naman ni Senator Leila de Lima, paano mahihikayat ang kooperasyon ng ating mga kababayan kung mahirap sundan at paniwalaan ang datos na nanggagaling mismo sa ating gobyerno.