Mga pagkilos at anumang pahayag laban sa Pangulo, hindi saklaw ng Anti-Terrorism Bill

Tiniyak ni Senator Panfilo Ping Lacson na hindi magagamit bilang political tool ang Anti-Terrorism Bill dahil hindi nito saklaw ang mga protesta at pagpapahayag ng kritisismo laban sa Pangulo.

Diin ni Lacson, ang Anti Terrorism Bill ay para sa kaligtasan ng taumbayan laban sa Abu Sayyaf Group, ISIS at iba pang domestic at foreign terrorist groups.

“Hindi kasali rito ang voices of dissent. Pati labor strike pinuwera namin dito, pati assembly, maski murahin nila ng murahin ang Presidente di masasaklaw nito. Ibang kaso haharapin nila, pwedeng libel or slander. Pero di masasaklaw ang legitimate exercise ng dissent at pagprotesta laban sa ating duly constituted authority,” ani Lacson.


Nilinaw din ni Lacson na dati nang nasa batas ang pagdakip ng walang warrant of arrest kapag ang gumawa ng krimen ay huli sa akto o katatapos lang ng krimen at kapag ang aarestuhin ay tumakas na preso.

Ipinaliwanag naman ni Lacson na ang 14 na araw na detensyon sa terrorist suspect ay para magkaroon ng sapat na panahon ang mga awtoridad na makabuo ng kaso.

Ayon kay Lacson, walang malalabag na karapatang pantao sa Anti-Terrorism Bill dahil nakabatay ito sa Bill of Rights at sa pagbalangkas nito ay inimbitahan ang Commission on Human Rights at pinagbigyan ang mga probisyong isinulong ng mga senador sa panig ng oposisyon.

Facebook Comments