Mga paglabag ng ABS-CBN upang hindi mabigyan ng prangkisa, inisa-isa ng isang kongresista

Inilatag sa joint hearing ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability ang mabibigat na rason kung bakit hindi na dapat bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN network.

Sa pagdinig ng Kamara, iprinisinta ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang opposing side ng mga tumututol para sa renewal ng prangkisa ng giant network.

Iginiit ni Marcoleta na may paglabag sa konstitusyon ang ABS-CBN dahil lumagpas sa ibinibigay na 50 taon ang nakalipas na franchise ng network mula nang mag-merge ang Alto Broadcasting System at Chronicle Broadcasting Network noong 1957 at kahit nang makabalik ito pagkatapos ng martial law.


Binigyang-diin ni Marcoleta ang mismong paglabag din ng Lopez-led company sa workers’ rights bunsod ng pagtanggal noon sa mahigit 100 manggagawa at iba pang unfair labor practices.

Kabilang dito ang sinasabing 11,000 na empleyado na kung saan mahigit 8,500 dito ay mga talents at contractuals lamang na kahit matagal at pang regular ang trabaho ay hindi man lang natiyak ng kumpanya ang security of tenure at wala ring benepisyo.

Dagdag pa sa mga isyung ibinabato ang paggamit umano ng “multiple channels” ng ABS-CBN gamit ang iisang franchise, gayundin ang isyu ng foreign ownership, tax evasion at political biases.

Iginiit ni Marcoleta na dahil sa mga paglabag na ito ng ABS-CBN sa Saligang Batas at sa mismong dating prangkisa ng network ay hindi na dapat ito pagbigyan na makabalik at mabigyan ng panibagong franchise.

Samantala, umapela naman si ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak na maibalik ang kanilang istasyon at mabigyan ng prangkisa para sa kapakanan ng kanilang 11,000 na mga empleyado.

Aminado si Katigbak na malaki na ang nalulugi ng kanilang kumpanya at hindi na nila kakayaning suportahan ang mga empleyado kung magpapatuloy na hindi sila makakapag-operate.

Facebook Comments