Mga pahayag sa tila pagsuko sa China kaugnay sa isyu sa WPS, dapat bawiin ng Malacañang

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Malacañang na bawiin ang mga pahayag nito na tila sumusuko sa China kaugnay sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Pangunahing tinukoy ni Hontiveros ang pagwalang halaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa arbitral ruling gayundin ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pag-aari ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef.

Palaisipan kay Hontiveros na hindi pumapalag ang Palasyo at kung makapagsalita ay parang mga talunan sa China kaya hindi mahikayat umalis ang mahigit 200 na mga barko ng China na nagkalat sa WPS.


Bukod dito ay iginiit din ni Hontiveros ang kahalagahan na magkaroon ng mahigpit na koordinasyon, matibay na posisyon at mga pahayag ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kaugnay sa isyu sa WPS.

Katwiran ni Hontiveros, hindi pwedeng iba-iba at bara-bara ang posisyon at aksyon natin hinggil sa pagsusulong ng ating soberenya at karapatan sa West Philippine Sea.

Facebook Comments