Aminado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na posibleng magamit laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pahayag niya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee (SBRC) kaugnay sa war on drugs.
Partikular na inamin ni Duterte ang tungkol sa pagkakaroon niya ng death squad na binubuo ng mga gangsters.
Ayon kay Dela Rosa, maaari talagang magamit laban sa dating pangulo ang mga pahayag niya lalo’t siya ay “under oath” nang sabihin ang mga bagay na ito.
Aniya, nakasalalay kay Duterte kung paanong paraan niya ipagtatanggol ang kaniyang sarili matapos na hamunin din ang mga nag-aakusa sa kaniya na sampahan na lamang siya ng kaso sa korte at doon ay haharapin niya ang mga ito.
Naniniwala rin si Dela Rosa na hindi hinijack ng dating pangulo ang imbestigasyon sa drug war ng Senado dahil ipinaliwanag at ikinwento lamang ni Duterte kung papaano ang mga nangyari at kasama sa scenario o sa kwento ang pagmumura.