Hindi pinalampas ng Gabriela Women’s Party ang pahayag ni Senator Robin Padilla na dapat pagsilbihan ng mga babae ang kanilang mister at hindi dapat tanggihan ang hirit na pagsisiping.
Paalala ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas kay Padilla, hindi dapat pilitin ng mga lalaki ang kanilang misis na tumatangging makipagsiping dahil ang mga kababaihan ay hindi dapat ituring na sexual objects.
Para kay Brosas, nakakabahala ang pahayag ni Padilla kaugnay sa marital rights at isa itong patunay na dapat ng amyendahan ang Anti-Rape Law.
Sa inihaing House Bill 401 ng Gabriela ay palalawakin ang kahulugan ng rape o panggagahasa, kaakibat ang layuning maproteksyunan ang karapatan ng mga misis laban sa panggagahasa o pag-abuso at anumang karahasan ng kanilang mga mister.