Mga pahayag ni suspended BuCor Chief Bantag laban kay Justice Secretary Remulla, dapat imbestigahan ng NBI at DOJ

Iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT-Teachers Representative France Castro sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga naging pahayag ng suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag laban kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla.

Apela ito ni Castro sa DOJ at NBI makaraang sabihin ni Bantag na ginagamit lamang siya ni Remulla at idinidiin sa kaso ng pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa o Percy Lapid.

Sabi ni Bantag, ito umano ay upang matabunan o mapagtakpan ang isyu kaugnay sa kaso ng anak n Remulla na inaresto dahil sa iligal na droga.


Ayon kay Castro, ang pagtuturuan nina Bantag at Remulla ay pagpapakita kung sino sa kanila ang may mas malakas na kapangyarihan at hindi nakatutulong sa pagbibigay ng hustisya kay Lapid.

Bunsod nito ay hinihiling ni Castro sa Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang lahat ng angulo sa kaso upang matiyak na ang tunay na mga utak at sangkot sa pagpatay kay Lapid ay mapananagot.

Facebook Comments