Pinag-aaralan ngayon ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang mga economic strategy para maisalba ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng epekto ng COVID-19.
Ayon kay Salceda, na isa ring ekonomista, nagkakaroon na ngayon ng konsultasyon sa kanya ang mga opisyal ng gobyerno at pribadong sektor at patuloy siyang nagpapadala ng report para sa pagbuo ng economic stimulus plan.
Inirekomenda ng kongresista na mag-focus muna sa short-term na aspeto ng stimulus plan at ito ay pagpapalakas sa private sector at pagtitiyak na mananatili ang mga ito sa kabila ng epekto ng coronavirus.
Laking panghihinayang naman ni Salceda sa hindi pagkakaapruba ng Kongreso sa package 2 ng tax reform bill o ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) dahil ilang bahagi sana ng stimulus program ay mula dito.
Samantala, ikinatuwa naman ng mambabatas ang kautusan ni Pangulong Duterte sa gabinete na ikasa na ang emergency subsidy program (ESP) na ₱5,000 hanggang ₱8,000 kada buwan kung saan isinama na rin dito ang ilang sektor tulad ng mga tricycle drivers at mga buntis.
Sinabi ni Salceda na isa sa mga co-author ng Bayanihan Act, ang mabilis na pamamahagi ng ayuda sa mga pamilya ay makakatulong para mapapanatili sa loob ng mga tahanan ang mga ito at maiiwasan ang paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).