Cauayan City, Isabela- Nangako ang pamunuan ng 5th Infantry Division sa pamumuno ng Commanding General na si MGeneral Pablo Lorenzo na bibigyan ng tulong ang mga naulilang pamilya ng 7 sundalo na kabilang sa 11 na nasawi sa pakikipaglaban sa mga Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu.
Ayon kay MGen. Lorenzo, magbibigay ng financial assistance ang 5ID para sa pangangailangan ng naiwang pamilya at tutulungan rin ang mga ito sa pagkuha sa kanilang mga benepisyo.
Bagamat hindi na hawak ng 5ID ang 21st Infantry Battalion na kinabibilangan ng 7 sundalong namatay na mula sa Region 02 at CAR ay disidido ang kanyang pamunuan na tulungan pa rin ang mga naulilang pamilya ng mga ito.
Aniya, naging bahagi rin ng 5ID ang mga ito bago pa kunin ng 11th Infantry Division ang kanilang yunit noong Agosto 2019.
Magugunitang nagkaroon ng matinding bakbakan sa pagitan ng militar at teroristang Abu Sayyaf noong April 17, 2020 na ikinasawi ng 11 at ikinasugat naman ng 14 sa tropa ng pamahalaan.
Kabilang sa mga ‘Killed in Action’ na mula sa Region 02 at CAR ay sina SSg Jayson P. Gazzingan, ng Brgy. San Rafael East, Sta Maria, Isabela; Cpl Ernesto L. Bautista Jr., Brgy Naguilian Sur, City of Ilagan, Isabela; Pfc Jomel N Pagulayan, Brgy Cataggaman Pardo, Tuguegarao City, Cagayan; Cpl Rasul B. Ao-as, ng Brgy Magsilay, Pasil, Kalinga; Pfc Benson A Bongguic, ng Brgy Caloocan, Rizal, Kalinga; Cpl Jomar Niñalga ng Bauko, Mt. Province at si Cpl John Michael Manodom ng Asin Road, Baguio City.