
Ikinatatakot umano ng mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) noong war on drugs sakaling pabalikin ng bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti, kinatatakutan ng pamilya ng mga biktima na mabalikan sila dahil maimpluwensya mga Duterte.
Ginawa ni Conti ang pahayag kasunod ng paghiling umano ni Atty. Nicholas Kaufman, legal counsel ng mga Duterte sa Marcos administration na payagang makabalik ng bansa ang dating pangulo sa sandaling mapagbigyan ang hirit nilang interim release.
Ang 80 anyos na si Duterte ay nananatiling nasa kustodiya na ng ICC dahil sa kinakaharap na crimes against humanity.
Nitong Agosto, inulit ng kampo ng mga Duterte ang kahilingan sa ICC para sa pansamantalang pagpapalaya kay Duterte sa isang hindi tinukoy na bansa na napapailalim sa ilang mga kundisyon na itinuturing na naaangkop.
Ani Conti, posibleng magkaroon ng problema kung ang kukupkop kay Duterte ay isang ICC member state ngunit ang Pilipinas ay hindi isang member state at walang umiiral na kasunduan.
Aniya, baka di magarantiyahan ng naturang ICC member state na hindi nila palayain o pababayaan na makatakas ang detainee na si Duterte.
Nauna nang ipinagpaliban ng ICC ang confirmation of charges laban kay Duterte dahil ito ay unfit na humarap sa pagdinig.









