Mga pamilya ng mga biktima ng Ampatuan massacre, humingi ng tulong sa gobyerno

Manila, Philippines – Umapela si Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng Ampatuan o Maguindanao Massacre na tulungan sila ng gobyerno na mapabilis ang kaso.

Sa Huwebes ay nakatakdang gunitain ang ika-walong taon ng karumal-dumal na krimen na ikinasawi ng 58 katao kabilang na dito ang 32 mga journalists.

Hiling ni Mangudadatu sa Pangulong Duterte na tulungan silang bigyan ng hustisya ang mga biktima at mapanagot ang mga may sala sa nasabing massacre.


Bagamat naghilom na ang sugat ng trahedya ng Ampatuan Massacre, naiwan pa rin aniya ang bakas ng impunity at pang-aabuso ng mga itinuturong utak ng pagpatay na sina dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan.

Sa kasalukuyang development ng kaso, sa 115 na akusado sa Maguindanao Massacre, 108 dito ang natapos na ang paglilitis at umaasa ang mga pamilya ng mga biktima na makakamit ang hustisya sa ilalim ng Duterte administration.

Facebook Comments