
Nagsimula nang magbigay ng mga DNA sample ang mga pamilya ng mga biktima ng lumubog na MV Trisha Kirsten 3 sa Philippine National Police (PNP) Scene of the Crime Operatives (SOCO) para makatulong sa magiging pagkakakilanlan ng mga biktimang hinahanap.
Ito ay sa kabila ng patuloy na pagsuporta ng PNP sa search and retrieval operations sa Philippine Coast Guard (PCG) at sa iba pang ahensya.
Ayon sa PNP, isa sa pinakamalaking hamon sa prosesong ito ang kalagayan ng mga nakuhang bangkay at ang pangangailangan ng masusing mga forensic procedure.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., maraming factors ang pwedeng makaapekto sa identification process ng mga biktima katulad na lamang ng environmental conditions sa ilalim ng dagat.
Ngunit tiniyak nya na ang mga SOCO experts ay sinanay at equipped sa paghawak sa mga nasabing kaso.
Tiniyak rin nya na sapat ang bilang ng mga tauhan at kagamitan ng SOCO para makapagsagawa ng maraming DNA analysis.
Sa ngayon, nasa 45 na indibidwal na ang naiulat na nasawi sa paglubog ng nasabing barko.










