Cauayan City, Isabela- Maaaring mabigyan ng Social Amelioration Program ng pamahalaan ang isang pamilyadong barangay Tanod o Health workers kung pasok sa basehan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Mayor Bernard Dy, kung nabigyan at nakapirma man ng Social Amelioration Card ang isang Tanod ay i-aassess pa rin ito ng CSWD at DSWD kung talagang pasok at karapat-dapat na mabigyan ng financial assistance.
May mga pamilyadong Tanod at BHW’s rin kasi aniya na hindi sumasahod ng regular o sub-minimum wage earners.
Gayunman, uunahin lamang muna ang ibang mga pamilya na higit na nangangailangan.
Kaugnay nito, nilinaw ni City Mayor Bernard Dy na maaaring makatanggap ng cash assistance ang isang magsasaka na nakakuha ng tulong mula sa Department of Agriculture dahil magkahiwalay aniya itong inilaang pondo ng gobyerno para sa mga local farmers na naapektuhan ng Rice Tariffication Law.