Nabigyan ng pag-asa ang pamilya ng mga biktima ng mga karumal-dumal na krimen sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) kahapon na isinusulong niya ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection.
Ito ay para sa mga kaso na may kinalaman sa iligal na droga.
Ayon kay Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Founding Chairman Dante Jimenez at siya ring Vice Chairman ng Inter-Agency Committee Against Illegal Drugs, hindi man umani ng palakpakan sa SONA ang pahayag na iyon ng Pangulong Duterte, tiyak niyang nabuhayan ng pag-asa ang pamilya ng mga karumal-dumal na krimen.
Naniniwala ang VACC na ang iba pang mga naitatalang mga karumal-dumal na krimen ay dahil sa iligal na droga kaya’t napapanahon na maibalik ang parusang kamatayan.
Sa panig ng VACC, isinusulong nila ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa sa pamamagitan ng firing squad hindi lamang para sa mga drug lord at drug traffickers kundi kasama na rin ang mga sangkot sa plunder at carnapping with homicide.