Mga pamilyang hindi pa nakakatanggap ng SAP cash aid sa Navotas, maaayudahan na simula bukas

Inihayag ng pamunuan ng Navotas City Government na simula bukas, December 14, maaari nang makuha ng mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa Navotas City ang kanilang ikalawang tranche ng cash aid sa ilalim ng Bayanihan 1.

Pero paalala ni Navotas City Mayor Toby Tiangco, kailangang dala ng mga benepisyaryo ang mga kinakailangang requirements sa pagkuha ng cash aid sa MLhuillier.

Pinapayagan naman ang mga kinatawan ng benepisyaryo lalo na ang mga PWDs, mga buntis at may sakit na kumuha ng kanilang ayuda basta’t magdala lamang ng authorization letter, valid ID, Social Amelioration Card (SAC) form at reference number.


Ayon pa sa alkalde, tanging mga household members na nakadeklara sa SAC form ang maaring maging authorized representatives.

Samantala, may 500 benepisyaryo rin sa lungsod ang nakatanggap na ng livelihood assistance grants mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Maaaring gamiting kapital sa kanilang negosyo ang tulong pinansiyal para makabawi sa perwisyong idinulot ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments