Aabutin pa ng halos anim na buwan bago makabalik sa kanilang tahanan ang nasa 26 na pamilya na naapektuhan ng pagguho ng kalsada sa Valenzuela City.
Matatandaan na bumigay ang kalsada ng Agustin Street dahil sa itinatayong 4-storey Legislative Building ng Valenzuela LGU na basement parking.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela, kinakailangan ng masusing pagsasa-ayos sa nasabing kalsada upang maiwasan na hindi na ito mangyari para sa kaligtasan ng mga residente.
Ang mga pamilyang apektado ay pansamantalang mananatili sa Malinta Junior High School kung saan nakakatanggap sila ng mga pagkain at iba pang pangangailanga mula sa lokal na pamahalaan.
Bibigyan rin sila ng P20,000 na financial assistance kung nais nilang pansamantalang mangupahan habang patuloy na makikipag-ugnayan sa kanila ang lokal na pamahalaan hanggang sa sila ay makabalik.
Sinisiguro rin ng Valenzuela LGU at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na mananagot ang pribadong kontraktor dahil sa insidente.