Mga pamilyang namatayan ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19 at mga pagpatay, mainam na isama sa dasal ngayong Holy Week

Ngayong Semana Santa ay nanawagan si Senator Leila de Lima ng panalangin para sa paggaling ng mga maysakit at katatagan para sa mga pamilya na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19 at sa mga karahasan at pagpatay.

Inaasahan din ni De Lima na maisama sa ating dasal na kagaya sa ibang mga bansa, ay hindi na tayo mauwi lang sa paulit-ulit na lockdown.

Hangad din ni De Lima na mapagkalooban na tayo ng mabisang bakuna at sapat na ayuda at magkaroon na rin sana ng malinaw na pag-iisip ang ating mga pinuno.


Ito ay para maitanim sa kanilang isip na hindi mapapagaling ng propaganda ang daan libong nagpositibo sa virus, o maiibsan ng maagang pangangampanya ang kumakalam na sikmura ng ating kapwa.

Ipinunto ni De Lima, na pinagkalooban ang ating gobyerno ng pagkakataon at napakalawak na kapangyarihan, umutang ng bilyon-bilyon at nakatanggap pa ng mga donasyon, pero ang napala natin ay pagpuri sa sarili, paninisi sa ordinaryong mamamayan, paninira at pagmumura sa pumupuna.

Diin ni De Lima, muling sinusubok ang ating pananampalataya sa panahong ito kaya gawin nating inspirasyon ang Panginoon, na dumaan sa mas matinding dusa at sakripisyo subalit hindi bumitiw sa pananalig.

Facebook Comments