Ang mga biktimang nasunugan ay ang mga mag-asawang sina Domingo at Moneth Allauigan; Julieta at Avelino Allauigan; Richard at Jewel Allauigan at isang single mom na si Marilou Allauigan, pawang magkakamag-anak at residente ng Purok Uno ng nasabing barangay.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa apat na biktima ng sunog na naganap nitong Sabado, Setyembre 10, 2022, ipinapaabot ng mga ito ang kanilang paghingi ng tulong lalo na sa mga kinauukulan at opisyales ng lungsod ng Cauayan para sa kanilang muling pagbangon at pang araw-araw na pangangailangan gaya ng mga pagkain at damit.
Ayon kay Ginang Moneth Allauigan, problema niya ngayon kung paano makakapag simula dahil wala aniya itong naisalbang mga gamit dahil noong nangyari ang sunog ay wala ito at ng kanyang asawa sa kanilang bahay.
Samantala, sinabi naman ni Ginang Julieta Allauigan na mayroon na silang paunang tulong na natanggap mula sa Kanilang barangay Captain na si Benjamin Javier Dy, gaya ng mga groceries at mga gamit pang kusina.
Bukod dito ay pinagkalooban rin ng Barangay ng pansamantalang matutuluyan ang isa sa mga pamilyang nasunugan na si Marilou Allauigan habang ang iba naman ay pansamantala munang nakituloy sa mga kaanak at sa kanilang kapitbahay.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang halaga ng pinsala ng nangyaring sunog.
Matatandaan na sumiklab ang malaking sunog sa ikalawang palapag ng bahay bandang alas onse ng umaga nitong Sabado mula sa pinaglulutuang gas stove kung saan nakita na lamang ito ng bata na malaki na ang apoy hanggang sa tuluyang kumalat sa kwarto at bahay ng mga biktima.