Bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas, mas pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ang inspeksyon sa mga pampublikong sasakyan sa iba’t ibang terminal at lansangan sa Ilocos Region.
Nagsasagawa ang LTO ng serye ng terminal at roadside inspections upang tiyakin ang kaligtasan at kalagayan ng mga pampasaherong sasakyan, kabilang na ang pagtiyak na maayos ang preno, ilaw, gulong, at iba pang bahagi ng mga ito.
Kabilang din sa tinitingnang aspekto ng mga enforcer ang pagsunod ng mga drayber sa batas-trapiko, pagkakaroon ng tamang lisensya, at pagiging lehitimo ng mga biyahe alinsunod sa kondisyon ng kanilang prangkisa.
Ipinaalala rin ng LTO na mahalaga ang disiplina at kamalayan sa kalsada upang maging ligtas at maayos ang biyahe ng bawat motorista.
Kasabay nito, nakikipagtulungan din ang ahensya sa Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad at trapiko habang inaasahan ang pagtaas ng bilang ng mga biyahero sa darating na Nobyembre 1 at 2.








