Mga pampublikong paaralan sa Navotas, nag-adjust ng oras ng klase dahil sa init ng panahon

Bilang pag-iingat sa nararanasang init ng panahon, nag-adjust ng oras sa pagpasok ng mga estudyante sa pampublikong paaralan ang Schools Division Office ng Navotas.

Ang pasok ng mga estudyante sa Elementary at High School sa morning shift ay magsisimula ng alas-6:00 hanggang alas-10:00 ng umaga.

Alas-2:00 hanggang alas-6:00 naman ng hapon ang pasok ng afternoon shift sa Elementary habang alas-2:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi sa High School.


Mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon ay wala ng estudyante sa mga paaralan lalo na’t ito ang mga oras na naitatala ang tindi ng init ng panahon ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Maaari naman magpatupad ng asynchronous session ang ibang klase na maaapektuhan sa mga nabanggit na oras.

Ipinapaubaya naman ng Schools Division Office ng Navotas sa pamunuan ng pribadong paaralan ang pasok ng kanilang mga estudyante dahil fully airconditioned naman ang kanilang mga classroom.

Facebook Comments