Aminado ang mga tsuper ng pampasaherong jeep sa lungsod ng Maynila na hindi sapat ang ipagkakaloob na fuel subsidy ng pamahalaan.
Nabatid na sa susunod na linggo ay sisimulan ng ipamahagi ang ₱6,500 na fuel subsidy kung saan nailabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo.
Kaugnay niyan, kaniya-kaniyang pagsasa-ayos ng mga dokumento ang mga tsuper para makakuha ng subsidiya.
Ayon kay Mang John Sison, kulang pa rin ang nasabing subsidiya dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng petrolyo lalo na’t posibleng madagdagan pa ito sa susunod na linggo.
Hirit rin ng kanilang samahan na itaas na rin sana ang singil sa pamasahe upang kahit papaano ay madagdagan ang kanilang kita.
Matatandaan na una ng nanawagan naang ilang tsuper na idiretso na sa gasolinahan ang pondo para makatiyak na makatatanggap ang lahat ng subsidy.
Pero giit ng DBM, mapapabagal nito ang proseso dahil ang pondo ay nakalagay sa Landbank kung saan maglalabas naman ng tinatawag na voucher or cash card ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Giit pa ng DBM, kung idederetso sa gas stations ang pondo, hindi malalaman kung magkano ang kabuuang sisingilin nila sa Landbank o LTFRB.