
Nadiskubre ni House Deputy Majority Leader and La Union Representative Paolo Ortega V na kasama rin sa listahan ng mga tumanggap ng confidential funds mula sa mga tanggapan ni Vice President Sara Duterte ang mga pangalan na itinulad sa pangalan ng ilang senador at kongresista.
Pagsisiwalat ni Ortega, nakasaad sa mga acknowledgement receipts na isinumite ng tanggapan ng VP Sara sa Commission on Audit ang mga pangalang Beth Revilla, Janice Marie Revilla, Diane Maple Lapid, John A. Lapid Jr., Clarisse Hontiveros, Kristine Applegate Estrada, at Denise Tanya Escudero.
Binanggit din ni Ortega ang mga pangalang Kris Solon at Paul M. Solon na ka-apelyido naman ng isang kongresista at Cannor Adrian Contis na katunog ng isang bakeshop.
Diin ni Ortega, hindi nakakatawa ang paulit-ulit na paggamit ng mga pekeng pangalan na parang hinugot mula sa sine at showbiz.
Ayon kay Ortega, pera ng taumbayan ang pinag-uusapan dito kaya kung wala silang maipakitang ebidensya na tunay ang mga taong ito, ay maisasama ito sa matitibay na ebidensya sa impeachment trial kay Vice President Duterte.









